-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga kumakalat na post sa social media na nag-eendorso ito ng mga tumatakbong kandidato sa pagka-senador para sa darating na halalan sa Mayo 12. 

Nagpaalala si Msgr. Bernardo Pantin, secretary general ng CBCP na mag-ingat at suriing mabuti ang mga nakikitang post sa iba’t ibang platform sa social media. 

Tugon niya ito sa kumakalat na nagpapalaganap ng umano’y liham na pirmado ni CBCP president Cardinal Pablo Virgilio David na diumano’y nag-eendorso ng ilang senatorial candidates. 

Binigyang-diin ni Pantin na hindi nag-eendorso ang Simbahan sa sinumang indibidwal na kandidato. Sa halip, nagbibigay ito ng mga moral at panlipunang gabay upang makatulong sa mga mananampalataya sa kanilang pagpili. 

Dagdag niya, kung may lumalabas daw na pangalan ng mga kandidato sa umano’y endorsement ng Simbahan, ituring itong peke o hindi totoo.

Hinimok ng diocese ang publiko na tiyaking totoo ang mga impormasyong ibinabahagi at maging mapagmatyag laban sa pagkalat ng maling impormasyon.