Naka-depende pa rin umano kay Pangulong Rodrigo Duterte kung matutuloy o mababalewala na ang term-sharing agreement sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Lord Allan Velasco.
Sa gitna ito ng paglutang ng posiblidad na hindi na matutuloy ang term-sharing sa speakership kasunod ng mataas na trust at approval rating ni Speaker Cayetano.
Sa isang panayam, sinabi ni National Unity Party (NUP) president Elpido Barzaga, kontento sila sa performace ni Speaker Cayetano at nais nilang magpatuloy ang mga proyekto at legislation na walang sagabal o balakid.
Ayon kay Rep. Barzaga, batay sa kanyang pakikipag-usap sa mga kapwa kongresista, walang kontra na itutuloy na lamang ni Speaker Cayetano ang liderato sa Kamara imbes na 21 buwan lang sana kung susundin ang term-sharing agreement na pakana mismo noon ni Pangulong Duterte.
Pero aminado si Rep. Barzaga na ano man ang kagustuhan ng mga mambabatas, igagalang nila ang kagustuhan ni Pangulong Duterte dahi ito ang nag-broker sa term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco.