VIGAN CITY – Tiyak na masaya at masagana ang bagong taon ng mga barangay officials dahil sa makukuha na ng mga ito ang kanilang cash incentive mula sa pamahalaan sa susunod na taon.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni dating Ilocos Sur governor na ngayo’y League of Municipalities of the Philippines president – Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Singson na sa January 2 hanggang 3, maaari na umanong magtungo sa Malacañang ang mga municipal treasurers ng lahat ng bayan upang kunin ang insentibo ng mga local government unit officials na siyang ipinangako ng Duterte administration.

Kasama umano sa mga mabibigyan ng insentibo ay ang mga barangay officials at sangguniang kabataan chairmen.

Aniya, kailangan lamang umanong dalhin ng mga municipal treasurers ang kanilang ID dahil sa kanila lamang ibibigay ang nasabing cash incentive na ipapamahagi sa mga benepisaryo.