BUTUAN CITY – Matagumpay na sinunog kaninang umaga ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Caraga ang mahigit sa ₱15.3 milyon na halaga ng ipinagbabawal na droga sa Orgon Wood Industries, Incorporated na matatagpuan sa Sitio Bingkilan, Brgy. San Vicente, lungsod ng Butuan.
Ayon kay Regional Director Levi Ortiz sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, karamihan sa mga sinunog ay shabu na may kabuuang 2,238- gramo na nagkakahalaga ng ₱15,220,148.88 at marijuana na may timbang na 1,369-gramo na nagkakahalaga ng ₱164,382.47.
Ito napagdesisyunan ng iba’t ibang korte sa Caraga Region na sirain matapos itong maipresenta bilang ebidensya.
Nilinaw ng opisyal na sa naturang dami, hindi pa kasama ang 15-kilo ng shabu na kanilang nakumpiska sa Bayugan City, Agusan del Sur, dahil ni-reschedule ito ng korte para sa susunod na buwan.