-- Advertisements --

Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kahit na na-repair ang 30-taong gulang na floodgate sa Navotas ay nangangailangan pa rin ito ng rehabilitasyon.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ito ay dahil sa kalumaan ng floodgate na kailangan ng masusing pag-aayos.

Magugunitang iniulat ng lokal na pamahalaan ng Navotas na naapektuhan ang ilang bahay sa nangyaring insidente kabilang na ang isang nasirang bahay matapos gumuho ang isang bahagi ng pader sa Barangay San Jose dulot ng mataas na tide. Pumasok din ang tubig sa sandbag wall.

Samantala, sinabi ni Bonoan na kasalukuyang gumagawa ng feasibility study ang DPWH at si Navotas Representative Toby Tiangco para sa pagpapalit ng floodgate.

Nagbigay din ng babala ang lokal na pamahalaan ng Navotas sa mga residente dahil sa patuloy na pagbaha sa ilang lugar dulot ng pagguho ng pader ng ilog.