-- Advertisements --

Hinimok ni Cardinal Pablo Virgilio David ang publiko na ibahagi ang kalidad na nais nilang makita sa susunod na Santo Papa.

Ito ay kasabay ng kaniyang apela sa publiko na pagnilayang mabuti kung ano-anong kalidad ang dapat ay taglayin ng Santo Papa, na siyang mangunguna sa Simbahang Katolika na mayroong mahigit 1.4 bilyong miyembro sa buong mundo.

Sa isang social media post bago ang nakatakdang pagsisimula ng conclave, hinimok ni Cardinal David ang publiko na kumpletuhin ang pangungusap na: ‘habang papasimula na ang conclave, ipinapanalangin kong mahahalal ang bagong Santo Papa na…’

Kalakip nito ang kaniyang apela sa publiko, habang isinasaalang-alang dito ang kasalukuyang kalagayan ng Catholic Church.

Si Cardinal David ay isa sa 133 cardinal sa buong mundo na inaasahang makikibahagi sa conclave para maghalal ng susunod na Santo Papa. Magsisimula na ang pagboto sa Mayo-7.

Makakasama niya dito ang dalawang kapwa Filipino cardinal na sina Luis Antonio Cardinal Tagle at Jose Cardinal Advincula.