Tinawag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na hollow o paimbabaw lamang at unverifiable ang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng unilateral ceasefire sa Pasko at Bagong Taon.
Sa isang statement, inihayag ni NTF-ELCAC Executive Director USec. Ernesto Torres Jr. na hindi coordinated sa gobyerno ang naturang deklarasyon at walang anumang mekanismo ng pananagutan. Malala pa aniya, ipinag-utos ng CPP sa New People’s Army unit na manatiling nasa active defense mode at high alert.
Ang hakbang na ito ay hindi para sa kapayapaan kundi isang “tactical deception” na naglalagay sa mga komunidad at mga lokal na opisyal sa panganib.
Iginiit din ng NTF-ELCAC official na ang kaligtasan ng publiko ay hindi seasonal, kayat ipagpapatuloy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang tungkulin para protektahan ang mga Pilipino at mananatiling alerto ang kanilang security forces habang nagtitipon at naglalakbay ang mga pamilya.
Nagpaabot din ng mensahe ang NTF-ELCAC sa mga miyembro ng NPA na isuko ang kanilang mga armas at magbalik loob sa pamamagitan ng amnesty at reintegration programs ng gobyerno, subalit binigyang diin na ang reconciliation ay nangangailangan ng sinseridad, hindi ng pansamantalang pagtigil sa karahasan.
Sa huli, sinabi ng Task Force na nananatili silang committed para sa pangmatagalang kapayapaan na ang pundasyon ay hustisiya, pananagutan at tunay na pag-asa at hindi ng stage gestures lamang.
Matatandaan nagdeklara ng apat na araw na ceasefire ang CPP mula December 25 hanggang 26 at mula December 31 hanggang January 1.
















