CENTRAL MINDANAO- Nauwi sa barilan ang masayang inuman ng mga miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Ronie Enoyog,46 anyos,may-asawa at residente ng Barangay Libertad Arakan North Cotabato.

Ayon kay Arakan Chief of Police,Captain Gaspar Maguiwe na nagtalo ang biktima at kasama niyang Cafgu na pawang mga lasing sa loob ng kanilang ng Army-Cafgu Detachment sa Brgy Dallag Arakan North Cotabato.

Inawat lamang ng suspek na si Demer Sulayman ang dalawa niyang kasamahang Cafgu na nag-aaway.

Ngunit bigla umanong sinuntok ni Enoyog si Sulayman kaya nagdilim ang paningin nito sa sobrang galit at binaril ang biktima gamit ang M1 Carbine rifle.

Patay on the spot si Enoyog na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang katawan at agad namang nahuli ng kanyang mga kasamahan ang suspek.

Kinomperma naman ni Captain Maguiwe na wala sa kanilang outpost ang detachment Commander ng mga Cafgu nang mangyari ang inuman at pamamaril sa biktima.

Sa ngayon ang suspek ay nakapiit na sa costudial facility ng Arakan PNP at sinampahan na ng kasong pagpatay.