-- Advertisements --

Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) laban sa paninigarilyo at paggamit ng vape sa loob ng eroplano matapos makatanggap ng ulat mula sa ilang airline.

Ayon sa CAAP, mahigpit na ipinagbabawal ang smoking at vaping sa lahat ng flights alinsunod sa Philippine Civil Aviation Regulations, Tobacco Regulation Act of 2003 (RA 9211), at Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act (RA 11900). Maaaring patawan ng parusa ang sinumang lalabag.

Binigyang-diin ng ahensya na bukod sa paglabag sa batas, maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng lahat ang paninigarilyo o vaping sa loob ng isang sarado at presyuradong kapaligiran tulad ng eroplano.

Hinimok din ng CAAP ang mga pasahero na sumunod sa tagubilin ng cabin crew, mag-ingat, at i-report agad ang anumang paglabag sa Aviation Security Group para sa agarang aksyon.