Ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang mga pribelehiyo ng writ of amparo at writ of habeas data sa mga anak ni Felix Salaveria Jr., isang aktibistang nawawala mula pa noong Agosto 28, 2024.
Inatasan ng CA ang National Police Commission at ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng isang seryoyo, epektibo, at masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ni Salaveria, na ‘di-umano’y dinukot ng hindi pa nakikilalang ahente ng gobyerno sa Tabaco City, Albay.
Ayon sa desisyon ng CA na may petsang Hulyo 21, nabigo ang ilang matatas na opisyal ng pulisya, kabilang si PNP chief Gen. Nicolas Torre III at iba pang opisyal mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na ipamalas ang “extraordinary diligence” sa pagsisiyasat ng kaso.
Giit ng korte, hindi maaaring tapusin ang kasong ito batay lamang sa isang kulang-kulang at mabagal na imbestigasyon.
Kabilang din sa mga itinuring na responsable ng CA ay sina PBGen. Andre Perez Dizon (Regional Director, PRO V), PCol. Julius Añonuevo (Provincial Director, Albay PPO), PCol. Ivy Castillo (Chief, CIDG Regional Field Unit 5), at PLtCol. Edmundo Cerillo Jr. (Hepe ng Tabaco City Police Station)
Ipinag-utos din ng CA na panatilihin at ilahad ang lahat ng ebidensiya kaugnay sa kaso sa Commission on Human Rights (CHR) at iba pang ahensya ng imbestigasyon.
Tinanggal naman ng korte bilang respondents sina dating PNP chief Gen. Rommel Marbil at AFP chief Gen. Romeo Brawner dahil wala silang direktang kaugnayan sa imbestigasyon.
Nauna nang lumapit ang mga anak ni Salaveria na sina Felicia at Gabreyel Ferrer sa Korte Suprema noong 2024 upang humingi ng legal na tulong. Inilipat ng SC ang kaso sa CA na siyang naglabas ng writs noong Enero 2025.