Tinalo ng Chicago Bulls ang Atlanta Hawks sa isang dikit na laban na nagtapos sa iskor na 152-150.
Pinangunahan ni Matas Buzelis ang koponan ng Bulls matapos makapagtala ng kanyang season-high na 28 puntos.
Malaking tulong din ang naging ambag ni Coby White na may 21 puntos, pati na rin ang 19 puntos at 12 assists ni Josh Giddey, na siyang kanyang ika-17 double-double ngayong season.
Hindi naman naging sapat ang 36 puntos, 11 rebounds, at 9 assists ni Jalen Johnson, gayundin ang season-high na 35 puntos ni Trae Young, upang maipanalo ang Atlanta Hawks.
Simula pa lamang ng laro ay mabilis na lumamang ang Bulls, ngunit agad itong hinabol ng Hawks at nagtapos ang unang quarter sa tablang iskor na 38-38.
Naging dikit ang laban mula sa ikalawang quarter hanggang sa ikaapat, kung saan natapos ang laro nang nagmintis si Trae Young sa kanyang floater shot na sana’y magtatabla ng iskor at magdadala sa overtime.
Samantala, nanaig ang Bulls sa shooting percentage na 57.6% kumpara sa 52.0% ng Hawks sa pagtatapos ng laban.
















