raptors bucks
Photo courtesy of NBA

Naitakas ng Milwaukee Bucks ang 96-92 win kontra sa Toronto Raptors upang makauna ng panalo sa pagbubukas ng Eastern Conference Finals ngayong araw.

Bumida sa Bucks si Brook Lopez na ibinuhos ang 13 sa kanyang 29 points sa final canto upang maitala ng kanilang panig ang come-from-behind win.

Nagsalpak din ng isang dunk si Lopez sa huling dalawang minuto, na sinundan pa nito ng 3-pointer upang makalayo pa ang Milwaukee na pinalawig ang agwat nila sa apat.

Umasiste rin si Giannis Antetokounmpo na humugot ng 24 points at 10 rebounds para sa Bucks, na nagsalansan ng 10-0 run para isara ang laro.

Sa panig naman ng Raptors, hindi nagbunga ang 31 points ni Kawhi Leonard, maging ang 30 points na inambag ni Kyle Lowry.

Mananatili sa Milwaukee ang serye kung saan gaganapin ang Game 2 sa araw ng Sabado.