Sinabihan ng House prosecutors ang Senate Impeachment Court na malinaw ang ginagamit na legal strategy ng kampo ni VP Sara ay iwasan na magkaroon ng trial, ma-dismiss ang kaso at hindi accountability.
Tugon ito ng prosekusyon sa Answer Ad Cautelam na inihain ng kampo ng pangalawang pangulo na tinawag ng House prosecutors na walang basehan, misleading na mga alegasyon.
Sinabi ng House prosecution panel na ang pamamaraang ito ay sumasalamin sa hindi pagpayag ng Bise Presidente na harapin ang mga seryosong paratang laban sa kanya, na binanggit na “walang panalangin para sa pagpapawalang-sala ang hiniling kundi pagbasura lamang sa kaso.”
Binigyang-diin ng mga tagausig na ang kahilingang ito para sa dismissal ay hindi dapat bigyang-pansin, dahil ang mismong Konstitusyon ay nag-uutos na kapag nailipat na ang Articles of Impeachment, “ang paglilitis ng Senado ay magpapatuloy kaagad.
Sinabi nila na ang bigat ng mga kaso – na kinabibilangan ng assassination, pag-abuso sa mga pampublikong pondo at pagsasagawa ng katiwalian – ay nangangailangan full and transparent trial.
Binigyang-diin ng mga tagausig na ang pagpayag kay Duterte na makatakas sa paglilitis ay makakasira sa mga prinsipyo ng demokratikong pamamahala at pananagutan sa publiko.
Nagbabala din ang prosecution na ang diskarte ni Duterte ay sumugal sa isang mas paborableng desisyon mula sa ibang forum, isang aksyon na “dapat tanggihan dahil sa forum-shopping.”
Ang forum-shopping ay isang legal na paglabag na nangyayari kapag ang isang partido ay nagsagawa ng dalawa o higit pang mga aksyon o paglilitis batay sa parehong dahilan.