Noo’y kilala sa bansag na isa sa mga ‘pinakamalalang paliparan sa buong mundo,’ kinikilala ngayon ang Ninoy Aquino International Airport bilang isa sa ‘World’s Best Major Airports 2027.’
Iya’y matapos makapasok sa ika-47 puwesto ng inaugural 47 World’s Best Airports list ng TIME magazine ang paliparan, kung saan nakakuha ito ng 76.46 puntos.
Bagama’t panghuli sa kategorya ng pinakamagadang airport, malugod itong tinanggap ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang private operator ng pangunahing paliparan ng bansa.
Ikinatuwa rin ito ng operator kung saan binansagan niyang isa itong malaking hakbang.
“We placed 47th, but for an airport that spent years being called one of the worst in the world, being measured alongside the world’s biggest hubs is a step forward, and a place to start climbing,” saad ng korporasyon sa pahayag nito.
Dagdag pa ng NNIC, bunga ito ng pagtutulungan, kung saan pinasalamatan nito ang mga katuwang sa gobyerno, maging ang mga pagsisikap ng lahat ng tauhan ng paliparan.
“Next year, we aim to be higher on that list,” target ng operator.
Dati nang pinangalanan ang paliparan bilang ikapito sa pinakamalalala noong 2009 at ikalima noong 2010 bago nito nakuha ang hindi kaaya-ayang unang puwesto.
Muli itong tinanghal na pinakamalalang paliparan sa mundo noong 2013.
Samantala, nangunguna naman sa listahan ng TIME ang Changi Airport ng Singapore matapos makakuha ng puntos na 91.74.
Sinundan naman ito ng dalawang paliparan sa China kung saan nakuha ng Guangzhou Baiyun International Airport ang ikalawang pwesto sa puntos na 91.6 habang ikatlo naman ang Beijing Daxing International Airport sa puntos na 90.55.














