Pinaplano ngayon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mas striktong mga patakaran sa mga bangko at e-wallets.
Ito ay sa layuning maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga panganib na dulot ng online gambling.
Sa isang statement, sinabi ng central bank na kasama sa bagong mga panuntunan ang striktong beripikasyon gaya ng biometric checks tulad ng facial recognition para masigurong tanging ang mga kwalipikadong indibidwal ang maaaring gumamit ng kanilang mga pera para sa online gambling.
Dapat din aniya magkaroon ng arawang limitasyon sa gambling-related transfers para makatulong na mabawasan ang pinansiyal na pagkalugi at paghihigpit sa oras ng pagbabayad sa online gambling.
Dapat na i-update din ng mga bangko at e-wallets ang kanilang application kasama ang tools users na maaaring gamitin para maglagay ng personal spending caps o para makapag-boluntaryong tumigil mula sa pagsusugal.
Umaasa naman ang central bank na makakatulong ang mga hakbang na ito para mabawasan ang adiksiyon sa online gambling at pinsala sa pinasiyal habang itinataguyod ang responsableng paggamit ng e-wallets at mga bangko.