-- Advertisements --

Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pinag-aaralan nitong magpatupad ng limitasyon sa halaga ng maaaring ilipat o i-withdraw na pera mula sa mga bangko, bilang bahagi ng hakbang laban sa paggasta ng pondo ng gobyerno, lalo na sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., isinasapinal na ang mga bagong panuntunan na magbibigay kapangyarihan sa mga bangko na tumanggi sa kahina-hinalang transaksyon, kasunod ng pagtakda ng P500,000 na daily withdrawal limit.

Lumutang ang isyu matapos kuwestyunin ng mga mambabatas ang Land Bank sa pagpapahintulot sa isang kontratista na mag-withdraw ng halos kalahating bilyong piso sa loob lamang ng dalawang araw. Depensa ng bangko, dumaan ito sa tamang proseso at awtorisasyon.

Nilinaw ni Remolona na sa ilalim ng bagong polisiya, maaaring tumanggi ang mga bangko kung may hinala ng katiwalian, at kailangan din nilang magsumite ng Suspicious Transaction Reports (STRs) kung may mga kahina-hinalang paggalaw ng pondo.

Aniya, ang mga iregularidad sa paggasta ng pondo ay nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa. Dagdag nito na maaaring umabot sa 6% ang paglago ng ekonomiya kung nagamit nang maayos ang pondo para sa imprastruktura.