Nais ng mga opisyal ng China na alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na bahagi ng Spratlys.
Ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Zhao Lijian, naniniwala silang parte ng tinatawag nilang Nansha Island ang kinalalagyan ng sinadsad na barko ng Pilipinas noong 1999.
Bago napunta sa Pilipinas ang naturang barko, ginawa ito para sa Estados Unidos bilang USS LST-821 noong 1944.
Noong 1970, napunta ito sa South Vietnam, bago nailipat sa Pilipinas noong 1976.
Mula nang isadsad ito sa naturang bahagi ng West Philippine Sea, naging pansamantalang tirahan na ito ng mga nagbabantay na sundalo sa karagatan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, naninindigan ang Pilipinas na mananatili ang barko sa Ayungin Shoal at ipoprotesta umano ang anumang aksyon laban sa ating mga kababayan sa nasabing teritoryo ng bansa.
Nabatid na umabot na sa 231 ang bilang ng mga diplomatic protest na inihain ng Pilipinas laban sa China mula 2016.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Eduardo Meñez, pinakahuling protestang inihain umano ng Pilipinas kontra Beijing ang nangyaring pagharang at pagbomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa dalawang bangkang magdadala lamang ng supply sa Ayungin Shoal.