Naghain ng reklamo ang mahigit 86 na biktima ng pang-aabuso ng ilang online lending applications (OLAs), ayon sa iniulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon sa pahayag ng PAOCC, alas-6 ng umaga pa lamang ay dumating na sa kanilang tanggapan ang mga biktimang nakaranas ng pagbabanta, o pananakot mula sa mga online lending applications upang magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay.
Binigyang-diin ng PAOCC na ang mga ilegal na pamamaraan na ginagamit ng mga OLAs, kabilang ang public shaming, doxing, coercive messaging, at pagbabanta, ay malinaw na paglabag sa data privacy, lending regulations, at human dignity.
Nakiisa rin ang United OLA Victims Movement (UOVM) sa sabayang pagsasampa ng reklamo. Ang UOVM ay isang civil society organization na pinamumunuan ni Kikay Bautista, na tumutulong at gumagabay sa mga biktima ng online lending harassment.
Ayon kay Usec. Gilberto Cruz, ang pagdagsa ng mga bagong reklamo ay malinaw na tanda na mas maraming Pilipino ang nagpapasya nang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at labanan ang pang-aabuso.
Sa kasalukuyan aniya, mayroon silang humigit-kumulang 150 pormal na reklamo, at inaasahan nilang darami pa ito habang dumarami ang mga biktima na nagsusumbong.