Inaresto ng mga operatiba ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pakistani national sa Barangay Tiguma, Lungsod ng Pagadian, Zamboanga del Sur dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
Naaresto si Sajjad Khan, 31-anyos, noong Hunyo 16 base sa isang mission order na inilabas ni Commissioner Joel Anthony Viado kasunod ng intelligence information tungkol sa kanyang ilegal na pananatili.
Batay sa records ng ahensya, ipinagbawal ang banyagang ito na pumasok sa bansa mula pa noong 2016.
Inamin niya rin na ilegal siyang pumasok sa Pilipinas gamit ang bangka, na karaniwang tinatawag na “backdoor.”
Napatunayang lumabag si Khan sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940, dahil sa ilegal na pagpasok at pagiging undocumented alien.
Nang maaresto ang dayuhan, dinala ito sa Zamboanga del Sur Police Provincial Office para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Kinabukasan, inilipat siya sa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa pansamantalang kustodiya habang hinihintay ang mga susunod na legal na proseso.