Inaasahang makakauwi na sa Huwebes, June 24, 2025 ang mga government official na unang napaulat na na-stranded sa Israel.
Ayon kay Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos, una niyang nakausap ang ito sa King Hussein border matapos ang kanilang matagumpay na pagtawid sa naturang bansa.
Mula sa Jordan, sasakay ang mga stranded Philippine officials sa commercial flight pabalik sa Pilipinas.
Ayon pa sa Philippine ambassador, bago ang matagumpay na paglikas ng mga ito ay nakipag-usap muna siya sa Jordan Ministry of Foreign Affairs and Expatriates, at sa Jordanian border security para makakuha ng clearances para sa kanila.
Naging positibo naman ang tugon ng mga naturang opisina sa kahilingan ng ambassador.
Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan aniya ang mga ito at hinihintay na lamang ang tuluyang pagbabalik sa Pilipinas.
Ang grupo ay kinabibilangan ng mga alkalde mula sa Eastern Visayas, Department of Agriculture personnel, atbpa.
Ang mga ito ay kalahok sa isang agricultural technology training seminar na unang nagsimula noong June 10 habang nakatakda sana ang kanilang pagbabalik-bansa ngayong araw, June 20.
Dahil sa tuluyang pagtindi ng airstrike sa pagitan ng Israel at Iran, napilitan silang magtago muna sa mga underground bunkers hanggang sa nakakuha sila ng transit visa sa tulong ng Philippine government.