-- Advertisements --

Umabot na sa 150 overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel ang humiling ng repatriation kasabay ng tuloy-tuloy na pagtindi ng giyera sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, sunod-sunod na nakipag-ugnayan ang mga ito sa pamahalaan upang humingi ng tulong at tuluyang makauwi na dito sa Pilipinas dahil sa takot sa giyera.

Hanggang 85 sa kanila ay naunang humiling ng repatriation bago pa tumindi ang sagutan sa pagitan ng dalawang bansa habang ang nalalabing bilang ay tuluyang nagpahayag ng kagustuhang umuwi noong nagsimula na ang airstrike sa pagitan ng Israel at Iran.

Ang naturang bilang ay inaasahang madadagdagan habang lalo pang tumitindi ang sitwasyon sa naturang rehiyon.

Ayon sa kalihim, bagaman isinara na ng Israel ang airspace nito, may ilang mga option na tinitingnan ang pamahalaan ng Pilipinas upang ligtas na mapauwi ang mga overseas Filipinos at hindi tuluyang madamay sa giyera.

Kabilang dito ang pagdadala sa kanila sa Jordan at Egypt sa pamamagitan ng land travel. Mula sa mga naturang bansa ay maaari na silang ibiyahe pabalik dito sa Pilipinas gamit ang mga sasakyang panghimpapawid.

Maliban sa repatriation, iniaalok na rin ng DMW sa mga naiipit na Pinoy ang ilang temporary shelter at financial support.