-- Advertisements --

Hindi umano dadaan sa ordinary repatriation ang mga Pilipino mula sa barkong nakitaan ng hantavirus case, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac.

Giit ng kalihim, dahil pumasok na ang World Health Organization at iba pang international health agencies sa masinsinang pagsusuri sa mga kaso ng hantavirus, kailangang sumunod ang Philippine government sa mga ilalatag na health measures.

Kabilang dito aniya ang mahigpit na health monitoring at check up sa mga Pinoy, posibleng travel restriction, atbpang maaaring ilatag ng WHO, bilang konsiderasyon sa global health.

Giit ni Cacdac, hindi ito isang ordinaryong welfare repatriation at sa halip ay kailangan ding sundin ang national health measures ng bansa na inilalatag ng Department of Health.

Sa kasalukuyan, ayon kay Cacdac, nananatili aniyang ligtas ang 38 Pinoy, batay na rin sa official report ng manning agency at ship owner.

Maalalang sa naunang report ng Department of Health (DOH) ay agad na-quarantine ang mga crew ng cruise ship na MV Hondius matapos makitaan ng hantavirus ang mga nakasakay sa naturang barko.

Ayon kay Cacdac, Ang DOH na rin ang bahalang magdesisyon kung kailangang i-quarantine ang mga 38 Pinoy kung tuluyan na silang mapabalik sa Pilipinas. (Report by Bombo Jai)