Reading Time: 1 minute
brownlee
Justin Brownlee/ Photo courtesy of PBA

Sinimulan ng Barangay Ginebra ang kanilang kampanya sa 2019 PBA Governors’ Cup sa pamamagitan ng kanilang buwena manong 102-83 panalo kontra sa Alaska sa bakbakan sa Araneta Coliseum nitong Linggo, Setyembre 22.

Namayani nang husto sa hanay ng Gin Kings si import Justin Brownlee na nagpasabog ng 30 points, 22 rebounds, limang steals, at apat na assists upang panatilihing bigo ang Aces sa dalawang laro.

Bagama’t walang sagot ang Ginebra sa pitong puntos na ipinasok ng Alaska sa umpisa ng laro, inihulog naman nila ang 16-2 bomba kalaunan upang itakbo ang 29-13 abanse sa first quarter.

Buhat dito, hindi na nilingon ng Ginebra ang Aces kung saan umabot pa sa 24 ang lamang nila sa second half, 72-48.

Umasiste din si Greg Slaughter na tumipa ng 16 points, walong rebounds, at dalawang blocks, samantalang bumuslo ng 12 markers si Art dela Cruz.

Sumandal naman ang Aces kay Justin Watts na nagtapos na may 22 points, 12 rebounds at dalawang steals.