-- Advertisements --

Apektado ngayon ang kabuuang 94,226 katao o katumbas ng 24,468 pamilya bunsod ng nagpapatuloy na unrest sa bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Base sa monitoring ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Management, Information and Communication, ang mga apektado ay ang mga residente mula sa 30 barangay sa Region 6 o Western Visayas at Region 7 o Central Visayas.

Bunsod nito, kasalukuyang nananatili pa rin sa 20 evacuation centers sa dalawang rehiyon ang nasa 1,886 pamilya o katumbas ng mahigit 6,000 indibidwal.

Habang ang nasa mahigit 3,000 pamilya o mahigit 10,000 indibidwal ay pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.

Nananatili ring displaced ang kabuung 5,179 pamilya sa Region 6 at 7.

Iniulat din ng DSWD na napinsala ang nasa 5,032 kabahayan sa Region 6 kung saan isa ang ganap na nasira at 5,031 ang bahagyang napinsala.

Bilang tulong, nakapaghatid na ang DSWD, mga lokal na pamahalaan, non-government organizations (NGOs) at iba pa ng mahigit P309 million na halaga ng ayuda sa mga apektadong pamilya.

Sa ngayon, mayroon pang sapat na Quick Response Funds sa central office at iba pang filed offices ng DSWD na magagamit para suportahan ang patuloy na pamimigay ng relief needs ng mga pamilyang apektado ng mga aktibidad ng bulkang Kanlaon.