Pinaalalahanan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka ukol sa posibleng magiging epekto ng malawakang pag-ulan dulot ng bagyong ”Bising” at hanging habagat.
Payo ng ahensiya sa mga magsasaka, tiyaking naani na ang mga pananim na maaari nang anihin, naka-secure ang mga planting material, binhi, at mga makinarya, at nadala sa mas ligtas na lugar ang mga alagang hayop.
Pinapatiyak din ng ahensiya na malinis ang mga irrigation canal at maayos na makakadaloy ang tubig upang hindi bumara sa mga sakahan.
Ayon sa weather bureau, posibleng magdulot ng malawakang pagbaha ang mga serye ng pag-ulan na una nang nagsimula bago pa man naging ganap na bagyo ang bagyong Bising.
Batay sa datus na inilabas ng DA, maaring maka-apekto ang mga serye ng pag-ulan sa kabuuang 163,209.96 hectares ng mga sakahan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Mula sa mahigit 160,000 ektarya ng mga sakahan, mahigit 101,500 ektarya rito ay natamnan ng palay habang ang nalalabi ay pawang natamnan na ng mga mais.
Samantala, pinaalalahan din ng DA ang mga mangingisda na magsagawa na ng early harvest sa mga palaisdaan na posibleng bahain.
Payo ng ahensiya sa mga mangingisda, kailangang bantayan ang sitwasyon sa mga kailugan upang makagawa ng akmang aksyon at hindi labis na maapektuhan ang mga palaisdaan at iba pang fishing assets.