Ibinasura ng Sandiganbayan ang P110 million ill-gotten wealth case laban kay yumaong dating PH Ambassador to US at Leyte Governor Benjamin “Kokoy” Romualdez at kaniyang maybahay dahil sa inordinately delay o labis na pagkaantala ng kaso sa loob na ng halos 4 na dekada.
Sa ruling ng Special Sixth Division ng anti-graft court, nakasaad na nabigo umano ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na nagsasakdal sa naturang kaso, na ipaliwanag ang mahabang pagkaantala sa pag-build up sa kaso para maabot ang trial o paglilitis.
Nakaapekto aniya ang pagkabinbin ng kaso sa recall o alaala ng testigo at sa kalidad ng ebidensya na maaaring maipresenta ng mga tagapagmana ng defendants para sa kanilang depensa.
Hindi din aniya natukoy ng PCGG ang mga isyu na umano’y kumplikado at kung paano nakaapekto ang “voluminous nature” ng mga dokumento sa paguusig sa kaso.
Nag-ugat ang kaso laban kay Kokoy Romualdez sa inihaing reklamo noong 1987 may kaugnayan sa nasamsam na pondo at shares of stocks ng Palm Avenue Holding Co. Inc. at Palm Avenue Realty Development Corp. o tinatawag bilang Palm Companies na pagmamay-ari ni Romualdez.
Pinaniniwalaang parte ang mga nabanggit na kompaniya sa hindi maipaliwanag na yaman ni Romualdez, na nagresulta sa pagsamsam ng PCGG sa mahigit P110 million sa stocks at funds ng mga kompaniya.
Ang resolusyon naman ng Sandiganbayan ay bilang tugon sa motion to dismiss na inihain noong Pebrero 2025 ng kampo ni Romualdez.
Si Kokoy Romualdez ay nakababatang kapatid ni dating Frist Lady Imelda Marcos, bayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ama ni incumbent House Speaker Martin Romualdez.
Nagsilbi ang nakatatandang Romualdez sa mahabang panahon bilang Gobernador ng probinsiya ng Leyte at nanungkulan din bilang Ambassador ng Pilipinas sa Amerika, Saudi Arabia at China.