-- Advertisements --

Mariing pinalagan ng grupong August Twenty One Movement (ATOM) ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi “ill-gotten” o nakaw ang ilang kayamanan ng kaniyang pamilya.

Ang grupong ATOM ay nabuo matapos mapaslang si dating Senador Benigno Aquino Jr. noong 1983 at kilala sa naging papel nito sa 1986 People Power Revolution, na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ni Pangulong Marcos Jr.

Sa isang statement, tinawag ng grupo ang pahayag ng Pangulo na hindi totoo at fake news.

Bagamat hindi na umano ito nakakagulat dahil kilala na aniya ang Marcos sa pagsisinungaling at propaganda.

Ipinaalala rin ng grupo na noong 2018, sinentensiyahan ng Sandiganbayan si dating First Lady Imelda Marcos na makulong ng anim hanggang labing-isang taon. Ito ay para sa paglabag sa anti-corruption law nang madiskubre na iligal niyang inilipat ang $200 million sa Swiss foundations noong 1970s bilang gobernador ng Metro Manila.

“Be that as it may, getting to Malacanang does not entitle him to distort Philippine history. Getting to Malacanang should not give anyone, for that matter, the audacity to violate the truth. But what can a man who was born and raised by a family that treats falsehood as their basic need to abuse others do? Well, Bongbong still lies every time he gets the chance because, to him, it is just the way life is. Perhaps the Marcos children simply cannot handle or discern the truth. His mother did say once in a documentary, “perception is real, truth is not,” giit ng grupo.

Matatandaang sa ginanap na presidential luncheon noong Biyernes, Agosto 14, dinipensahan ng pangulo ang pag-characterize o pag-uri sa ilan sa kanilang yaman bilang ill-gotten wealth.

Ipinaliwanag ng pangulo na hindi ill-gotten wealth o nakaw na yaman ang mga ari-arian ng kaniyang pamilya dahil nanalo sila sa ilang civil cases sa korte.

“The reason we won those civil cases is because they were proven to be not ill-gotten wealth. To characterize that as ill-gotten wealth, immediately I have to respond and to say— kaya nga kami nanalo dahil napatunayan namin na hindi ito ill-gotten wealth,” saad ng pangulo.

Inamin ng Pangulo na nakakaligtaan niya ang kaniyang tungkulin bilang co-executor ng ari-arian ng kaniyang ama at sinabing mas mahalaga ang pamumuno niya bilang pangulo ng Pilipinas kaysa sa mga usaping pampamilya.

Samantala, ipinauubaya naman na ni Pang. Marcos ang usapin ng hindi pa nababayarang bilyon-bilyong estate tax sa kaniyang mga abogado.