Mariing kinondena ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang natitirang asset claims at ang umano’y “pagsuko” ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa forfeiture case laban sa pamilya Marcos.
Ito ay matapos ihayag ng PCGG na hindi na ito maghahain ng karagdagang ebidensya sa Civil Case No. 0141.
Ayon sa ATOM, tila “nagtaas ng puting bandila” ang ahensya sa tungkulin nitong mabawi ang umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos.
Iginiit ng grupo na hindi dapat maisantabi ang mga kaso laban sa pamilya Marcos at tinawag na kahina-hinala ang timing ng naturang desisyon.
Binalikan din nito ang hatol noong 2018 laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong bilang ng graft na hanggang ngayon ay hindi pa naipatutupad.
Kaugnay nito, hinimok ng ATOM ang publiko na patuloy na manawagan ng pananagutan mula sa mga pamilyang Marcos at Romualdez, at iginiit na ang usapin ay tungkol sa katarungan at pagpigil sa kultura ng impunity sa bansa.
Ang ATOM ay isang samahang itinatag matapos ang pagpaslang noon kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong 1983 upang isulong ang demokrasya at tutulan ang diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.















