-- Advertisements --

Inilunsad muli ng August Twenty-One Movement o ATOM ang Anti-Cronyism Movement o ACRONYM na siyang layon matutukan ang mga isyu ng korapsyon sa kasalukuyan.

Nais bigyan atensyon sa isinusulong na kampanya ang pagtugon rin anila sa usapin ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na umano’y umaabuso sa pondo ng bayan.

Ayon sa Vice Chairperson ng kilusan na si Mildred Juan at Presidenteng si Voltaire Bohol, ang paglulunsad muli nito ay bilang pagpapakita ng hindi pagsang-ayon sa katiwalian at maling paggamit umano sa pera ng bayan.

“Ang pondong nakalaan para sa pabahay, pagkain, at pangunahing serbisyo ng pinakamahihirap na pamilyang Pilipino ay madalas nauuwi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal,” ani President Voltaire Bohol ng August Twenty-One Movement.

“Layunin ng kampanyang ito na matiyak ang pananagutan at wakasan ang kultura ng kawalang-pakundangan na nagpapahintulot sa ganitong Gawain,” ani Vice Chairperson Mildred Juan ng ATOM.

Kaya’t suportado anila ng grupo ang paglalantad at mga inisyatibong laban at kontra katiwalian sa bansa.

Ang naturang Anti-Cronyism Movement o ACRONYM ay maalalang unang isinulong ni Reli German, ang tagapagtatag ng ATOM.

Kasunod nito’y inihayag pa ng grupo na kanilang ipagpapatuloy ang aktibong pakikilahok sa lipunan nahaharap sa iba’t ibang isyu sa kasalukuyan.