Inihayag ng Office of the Ombudsman na plano nitong mas paigtingin pa ang mga hakbang sa paglaban kontra korapsyon.
Sa inilatag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na 7 stratehiya sa isinagawang 2025 Anti-Corruption Summit, isa sa plano nila ang bumuo ng ‘Ombudsman Marshal’.
Ayon sa naturang opisyal ang pagbuo ng ganitong uri ng ‘enforcement arm’ ay layon matiyak na napapatupad ang trabaho, at pagsisilbi ng mga kautusan inilalabas ng tanggapan.
Nais ding maseguro sa ilulunsad na ‘Ombudsman Marshal’ ang proteksyon at kaligtasan ng kanilang mga imbestigador upang walang sinuman ang manghimasok sa layon maihatid ang katarungan.
Dagdag pa niya’y makakasama nila rito ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Department of Justice, Department of Information and Communications Technology at iba pa.
Isa din sa stratehiyang inilatag ni Ombudsman Remulla ay ang pagpapaigting ng ‘disiplina’ sa trabaho sapagkat naniniwala siyang dapat walang sayangin oras sa laban kontra korapsyon.
Kanyang binigyang diin na ang pagkaantala at kawalan ng aksyon ay nagbibigay daan para ang katiwalian o korapsyon ay manaig kung kaya’t mahalagang may natatapos sa kada-araw.
Kung kaya’t bunsod nito, kanyang sinabi na ang isyu ng korapsyon ay dapat hindi isantabi bagkus kinakailangan konprontahin at harapin sa sistematikong pamamaraan.















