Itinuring ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla bilang ‘ghost electricity’ ang umano’y pagkabigo ng Solar Energy Network ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste tuparin ang produksyon ng kuryente para sa bansa.
Sa isinagawang pulong balitaan ng tanodbayan, sinabi ni Ombudsman Remulla na kung mayroon mga ghost flood control projects na iniimbestigahan, ang kaso naman kontra kay Rep. Leviste ay tinaguriang ‘ghost electricty’.
Batay aniya kasi sa prangkisa iginawad sa solar firm ng mambabatas, pangako nito na makapag-produce ng kuryente ngunit kalauna’y hindi naman daw tinupad.
Kasama aniya ito sa Philippine Energy Plan kung saan inaasahan makapaglilikha o produksyon ng kuryente mula sa Solar Energy na mapakikinabangan sana ng taumbayan.
Dito ipinaliwanag pa ni Ombudsman Boying Remulla ang magandang plano at energy projections para sa produksyon ng kuryente na kinakailangan at magagamit sana ng Pilipinas.
Naniniwala si Ombudsman Boying Remulla na ang isyu patungkol dito sa Solar firm ng mambabatas ay masasabing isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang presyo ng singil sa kuryente.
Kung kaya’t mariin pang inulit ng opisyal ang pagkabigo ng kumpanya ng mambabatas na tuparin ang pangako nito sa pagkakakuha ng prangkisa mula sa gobyerno.
Aniya’y nakuryente lamang umano ang bansa sa hindi pagtalima ng solar firm sa inaasahan sanang produksyon ng enerhiya.
Inanunsyo kahapon ni Ombudsman Remulla na inihain na para sa pagsasagawa ng preliminary investigation ang mga reklamong plunder, graft and corruption at conflict of interest laban kay Rep. Leviste.
Habang kasama din sa mga mahaharap sa kaso maging ang kanyang ina na si Senadora Loren Legarda at pati si dating Department of Energy Secretary Alfonso Cusi.
















