Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na gagawin ng kaniyang opisina ang lahat ng makakaya nito upang mabawi ang mga umano’y ill-gotten wealth o nakaw na yaman at itinago sa United States.
Ginawa ni Remulla ang pahayag sa isang town hall meeting sa Washington, D.C., kung saan tiniyak niyang hindi na dapat maging ligtas na kanlungan ang U.S. para sa mga ilegal na yaman mula sa Pilipinas.
Gayunman, wala siyang binanggit na partikular na kaso.
Ibinahagi rin niya ang mga repormang isinusulong ng Ombudsman, kabilang ang pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa ibang bansa at pagpapalawak ng access sa mga serbisyong pampubliko.
Nauna nang dumalo si Remulla sa ika-7 Global Conference on Sustainable Development Goal (SDG) 16 sa punong tanggapan ng United Nations sa New York City, kung saan tinalakay niya ang multi-bilyong pisong katiwalian sa mga flood control project na kasalukuyang iniimbestigahan ng Ombudsman.
















