Nagprotesta ang August Twenty-One Movement (ATOM) laban sa paggamit ni Senador Alan Peter Cayetano ng “Laban” sign, na naging simbolo ng paglaban sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay ATOM President Volt Bohol, ginagamit ni Cayetano ang simbolo sa maling konteksto at tila bahagi ito ng estratehiya ng kanilang kampo upang maipakita ang sarili bilang oposisyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, iginiit ni Cayetano na walang sinuman ang may monopolyo sa pangalan ni Ninoy Aquino o sa pagiging bayan. Aniya, hindi niya ikinukumpara ang kanyang sarili sa yumaong senador ngunit kinikilala niya ang mga ipinaglaban nito at ng mga lumahok sa People Power Revolution.
Gayunman, nanindigan ang ATOM na hindi sila sang-ayon sa senador at hiniling ang pananagutan sa mga isyu sa Senado at sa usapin ng korapsyon.















