Hindi sumipot ang labing-walong (18) dating miyembro ng Philippine Marines ngayong Lunes, Hunyo 8, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng bagong chairman nito na si Senador Erwin Tulfo, matapos ang isinagawang reorganisasyon sa Senado.
Ayon sa Committee Secretary (ComSec), naimbitahan ang mga dating sundalo ngunit walang natanggap na tugon ang Senado mula sa kanila o sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Hindi rin dumalo si dating Congressman Mike Defensor na ayon sa ComSec ay hindi naman kasama sa mga pinadalhan ng imbitasyon.
Matatandaang sa pagdinig noong Hunyo 4, lumabas ang ulat na sinuhulan umano ni Defensor ang 18 ex-Marines para tumestigo sa isyu ng flood control anomaly, bagay na una nang itinanggi ng dating mambabatas.
Samantala, hindi rin sumipot sina dating House Speaker Martin Romualdez, Rep. Zia Alonto Adiong, Rep. Jose Alvarez, Rep. Julienne Baronda, at Rep. Leila de Lima.
Sa sulat na ipinadala ni House Secretary-General Cheloy Velicaria-Garafil, idinahilan ng Mababang Kapulungan ang “parliamentary courtesy” sa hindi pagdalo ng mga mambabatas.
Sa kabila nito, itinuloy ang pagdinig kasama ang mga opisyal mula sa DPWH, DOJ, DBM, Office of the Ombudsman, at si NBI Director Melvin Matibag bilang mga resource persons.















