Promoted sa ranggong Senior Chief Petty Officer si International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas.

Nakuha ni Ancajas ang bago nitong ranggo sa isinagawang donning of ranks na pinangunahan ni Philippine Navy Flag Officer in Command (FOIC) VAdm Robert Empedrad.

Ayon kay Empedrad, ang promotion ni Ancajas sa mas mataas na ranggo ay dahil sa ipinakita niyang galing sa boxing at pagbibigay ng karangalan sa bansa sa kanyang matagumpay na pagdepensa sa kanyang titulo sa Stockton, California.

Ani Empedrad, isang modelo ng katapangan at kagalingan si Ancajas na dapat tularan di lamang sa kanyang mga kasamahan sa reserved force kundi ng lahat ng ating kababayan.

Naghahanda na rin sa ngayon ang team ni Ancajas sa training camp nito sa Naval Education, Training and Doctrine Command sa San Antonio, Zambales bilang paghahanda sa kanyang ikawalong pagdepensa sa kanyang titulo sa Oktubre.