Kinumpirma ng Philippine Navy na wala pa rin silang natatanggap na pormal na koordinasyon mula sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa search and retrieval ng mga labi ng mga nawawalang sabungero na hindi umano’y inilibing sa Taal Lake.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Capt. John Percie Alcos, bagamat wala pang pormal na koordinasyon para ikasa ang operasyon ay tiniyak niya na nakahanda ang kanilang hanay para pagsilbihan ang mga mamamayang Pilipino upang masiguro na mapapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Kaugnay naman na sa kahilingan ng DOJ sa kanilang special naval operations command ay tiniyak naman ni Alcos na kapag mayroon nang koordinasyon ang departamento sa kanilang hanay ay agad silang magtatalaga ng mga tauhan para ikasa ang misyon.
Kaugnay naman dito, bagamat mahirap kung titignan ang gagawing search and retrieval sa mga bangkay ngunit sa kabila nito ay siniguro ni Alcos na nkahanda ang kanilang special naval operations command na ikasa ang misyon at madeploy kahit anumang oras.
Samantala, matatandaan naman na nauna na dito ay tiniyak rin ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakahanda rin silang tumugon sa hiling na koordinasyon ng DOJ sa kanilang mga technical divers para sisirin ang Taal Lake kung saan inilibing ang mga nawawalang sabungero.
Sa kasalukuyan ay patuloy namang nakaantbay ang Hukbong Dagat ng Pilipinas para sa magiging ugnayan nila ng DOJ para maikasa agad ang retrieval operations sa mga bangkay at nang mabigyan na ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima.