-- Advertisements --

Pinaghahandaan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang maaaring pagkasa ng search and retrieval operations sa Taal Lake kung saan umano inilibing ang mga labi ng 34 na nawawalang sabungero.

Gaya sa Philippine Navy, bagamat hindi pa rin nakakatanggap ng pormal na koordinasyon ang PCG mula sa Department of Justice (DOJ) ay bumuo na sila ng grupo ng mga technical divers para sa underwater retrieval operations sa mga bangkay ng mga biktima.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Guirao-Cayabyab, nagtalaga na ang PCG District Southern Tagalog ng mga tauhan para magsagawa ng seaborne patrol operations kung saan naka-standby na rin ang kanilang mga technical divers kung sakali mang uumpisahan na ang pagkakasa ng retrieval operations.

Nakikita namang challenge ng PCG ang lalim at maging ang lapad ng lawa na mayroong 174 meters na lalim. Aniya, sa kabila ng pagkakaroon ng experience ng kanilang mga divers pinakamalalim na naabot lamang aniya ng kanilang team ay 100 meters depth.

Samantala, sa kabila ng mga challenges na ito ay tiniyak pa rin ni Guirao-Cayabyab na kumpleto at may mga nakahandang kagamitan ang PCG at sapat na technical divers para sa paguumpisa ng paghahanap ng mga labi ng mga nawawalang sabungeros.