-- Advertisements --

Humarap na sa tanggapan ng Atienza Interisland Ferries Inc. sa Palawan nitong Lunes, Setyembre 14, ang kapitan ng nasunog na barkong MV June Aster na si Roel Sarmiento, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na nakatakdang hingan ng pahayag si Sarmiento ukol sa kaniyang kinaroroonan at sa mga naging pangyayari bago siya humarap sa mga awtoridad, limang araw matapos maganap ang trahedya sa dagat.

Batay sa pinakabagong datos ng mga awtoridad, nasa 44 na survivors na ang naitala kabilang ang kapitan, habang 76 na bangkay na ang narekober mula sa insidente at 12 katao pa ang patuloy na hinahanap.

Lumabas sa ticket manifest na mayroong 134 na nakatalang pasahero, ngunit dalawa sa mga ito ang nagkumpirmang hindi sila nakasakay, kaya lumalabas na 132 ang opisyal at aktuwal na bilang ng mga taong nasa loob ng barko nang mangyari ang sunog.