-- Advertisements --

Isinagawa ng kumpanyang Joby Aviation ang kauna-unahang test flight ng kanilang fully-electric air taxi sa Dubai ngayong linggo —isang hakbang patungo sa paggamit ng airborne transport sa lungsod na sisimulan sa 2026.

Ayon kay Anthony Khoury, General Manager ng Joby sa UAE, layunin ng proyekto na baguhin ang paraan ng pag-commute ng mga tao. Inaasahang ang biyahe mula Dubai International Airport (DXB) patungong Palm Jumeirah ay tatagal na lamang ng 12 minuto gamit ang air taxi, kumpara sa 45-minuto sa kotse.

Bagama’t target ng Joby na maging abot-kaya ang serbisyo para sa lahat, inaasahang sa simula ay magiging mas mahal ito at mas naka-focus sa mga may mataas na kita.

Nabatid na ginawa ang test flight sa disyertong lugar sa labas ng lungsod na dinaluhan ng mga opisyal mula sa gobyerno at transport sector. Ipinakita ng aircraft ang kakayahan nitong lumipad nang patayo, lumipad nang ilang milya, at bumalik para sa paglapag.

Ang Joby Aerial Taxi ay isang electric vertical take-off and landing (eVTOL) aircraft na may kakayahang lumipad ng hanggang 160 kilometro at umabot sa bilis na 320 km/hr. Ito ay zero-emission at sapat ang ingay na inilalabas upang magamit sa mataong lugar.

Sa kabila ng potensyal, kinakaharap pa rin ng industriya ng eVTOL ang mga hamon sa regulasyon at imprastruktura. Bumaba kasi ang stock price forecast ng Joby dahil sa mga risk sa aerospace sector, ngunit kasalukuyang nasa $10.55 ang halaga ng kanilang stock.