Nakataas na sa blue alert ang mga lokal na pamahalaan ng Cebu City nitong Linggo, Nobyembre 2, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Storm Tino, na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide sa lugar.
Ayon sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO), naka-alerto na ang lahat ng mga tauhan nito, at emergency vehicles na naka-puwesto narin sa iba’t ibang lugar para sa mabilis na tugon sakaling may emergency.
Inutusan ni Mayor Nestor Archival ang mga medical unit na palawigin ang kanilang operasyon hanggang sa barangay level, kabilang ang paggawa ng public announcements at readiness checks.
Pinayuhan ang mga residente na mag-imbak ng tatlong araw na supply ng tubig, mag-charge ng mga ilaw, at ihanda ang flashlights at iba pang emergency supplies.
Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang landas ng bagyo at pinapaalalahanan ang mga residente na sundin ang mga opisyal na advisories para sa inyong kaligtasan.













