-- Advertisements --

Nakapaglabas na ng mahigit 43,000 sako ng bigas ang National Food Authority (NFA) para sa mga biktima ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino na magkasunod na nanalasa sa bansa.

Ayon kay NFA Admin Larry Lacson, ang mga inilabas na bulto ng bigas ay dinala sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Central Visayas na nagtamo ng malawak na pinsala dahil sa dalawang magkasunod na bagyo.

Ang nailabas na bulto ay katumbas ng mahigit 2.1 million kgs ng bigas.

Ayon pa kay Lacson, nananatiling sapat ang bulto ng bigas sa mga bodega ng NFA upang tugunan ang pangangailangan ng bansa, sa kabila ng malalaking bulto ng bigas na inilalabas araw-araw.

Ayon kay Lacson, nananatiling bukas ang NFA Operation Centers (OpCen) sa iba’t-ibang field office ng ahensiya lalo na sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha, bagyo, at iba pang kalamidad, upang tumugon sa anumang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan atbpang local disaster agencies.

Kabilang sa mga ahensyang tumanggap ng alokasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD), at mga Local Government Units (LGU).

Ayon pa kay Lacson, tuloy-tuloy pa rin ang pagdaragdag ng stocks sa mga field bodega na pangunahing nakapaglabas ng malalaking bulto ng bigas.