Lumubo na sa kabuuang 5,805,485 katao ang natukoy na naapektuhan sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan, batay sa assessment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay katumbas ng 1,669,809 pamilya mula sa 14, 162 barangay.
Sa kabila nito, bumaba na sa 518,184 katao ang nasa mga evacuation center matapos payagang makabalik ang halos kalahating milyon na dating inilikas dahil sa hagupit ng bagyo.
Katumbas ito ng 144,290 pamilya.
Nananatili namang nakabukas ang kabuuang 7,344 evacuation center kung saan marami rito ay mula sa Northern Luzon na patuloy na dumaranas ng malawakang pagbaha.
Bagaman nagpapatuloy pa rin ang assessment sa mga kabahayang nasira sa pananalasa ng bagyo, mayroon nang inisyal na mahigit 70,800 kabahayan ang natukoy na nasira habang halos 9,000 naman ang nawasak sa kasagsagan ng bagyo.
Ayon sa ahensiya, mayroon pang P2.7 billion na halaga ng pondo na maaaring magamit sa mga serye ng kalamidad.
















