-- Advertisements --

Kinundena ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lumalabas na ulat na umano’y kinakaltasan ng ‘buwis’ ang cash assistance na ipinamahagi sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

Tinukoy ng DSWD ang isa sa mga impormasyong natanggap ng naturang opisina na nangyari sa Brgy. Quintin Salas sa Jaro, Iloilo City kung saan kinaltasan umano ang cash na ibinibigay sa mga biktim, mula sa social welfare department.

Sa naturang report, tinatanggalan umano ng P8,000 ang cash aid na natanggap ng mga biktima.

Ayon kay DSWD Asec. Irene Dumlao, nagsasagawa na ang ahensiya ng malawakang imbestigasyon sa naturang insidente, kasama ang iba pang lugar na may gumugulong na cash distribution.

Giit ng opisyal, dapat ay buo ang cash na natatanggap ng mga biktima at hindi tinatanggalan ng anumang porsyento, buwis, atbpa.

Nanindigan ang ahensiya na ang ayuda para sa mga nangangailangan ay dapat buo nilang makukuha at hindi puwedeng bawiin o bawasan ng sinuman, kahit pa ang mga lokal na pamahalaan.

Umapela rin ang ahensiya sa mga bitkima ng kalamidad na ireport ang kahalintulad na insidente kung nakakaranas man, lalo ngayong magkakasunod na tumama ang iba’t-ibang kalamidad sa buong bansa.