-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue na kanilang hahabulin ang lahat ng milyong -milyong halaga ng buwis na hindi binayaran mula sa mga smuggled vape products .

Kaugnay nito ay nagsampa na rin ang BIR ng kasong tax evasion laban sa 75 indibidwal at negosyo na sangkot sa ilegal na bentahan ng vape products sa Pilipinas.

Batay sa datos , aabot sa ₱711.13 milyon ang kabuuang tax liability ang nahuli mula sa mga naarestong nagbebenta ng hindi rehistrado at smuggled na vape sa ilang lugar sa bansa.

Bilang bahagi ng kampanya laban sa paglabag sa Tax Code, naghain ang BIR sa pangunguna ni Commissioner Romeo Lumagui Jr. ng mga kaso ukol sa willful failure to pay tax, pag-iingat ng pekeng BIR receipts, at paglabag sa Excise Tax Law.

Nagbabala si Commissioner Lumagui laban sa pagbili at paggamit ng ilegal na vape products dahil bukod sa panganib sa kalusugan, nagdudulot ito ng malaking pagkalugi sa buwis.

Binigyang-diin ng opisyal na papanagutin ng BIR ang lahat ng sangkot sa ilegal na vape at ghost receipts.