Ipinaalala ng Malacañang na dapat habulin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng hindi nagbabayad ng buwis at hindi lamang ang kontrobersiyal na P203 billion estate tax debt case ng pamilyang Marcos.
Ginawa ni acting presidential spokesperson Martin Andanar ang pahayag kasunod na rin ng deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa IATF meeting sa Palasyo na dapat tanungin ang BIR kung bakit hindi nito kinolekta ang isang estate tax na hinahabol.
Hindi naman pinangalanan ng pangulo kung kaninong estate tax ang kanyang tinutukoy.
“Ang gobyerno can only prod. Hindi naman kailangang reminder sa Malacañang. Nandyan ang BIR. So, tanungin natin ang BIR bakit hanggang ngayon hindi nakolekta ‘yong estate tax?” pahayag pa ni Pres. Duterte.
Ayon naman kay Sec. Andanar, hindi lamang ang sinumang politiko o personalidad ang dapat habulin ng BIR kundi ang mga hindi nagbabayad lalo na at kailangan ng pondo ng national government.
Nang matanong naman si Andanar kung ang tinutukoy ng pangulo ay ang pamilya Marcos, sagot ng kalihim, bahagi lamang daw ito ng paalala ng presidente sa BIR na gawin nito ang mandato.
“The President only reminded the BIR to act on its mandate and that is to collect taxes,” bahagi nang pahayag ni Sec. Andanar. “Sa lahat ng hindi nagbabayad ay habulin ng BIR sapagkat kailangan ng karagdagang pondo ang ating national government”
Una nang umalma ang kampo ni presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. na ang sinasabing tax liabilities ay wala pang finality at nakabinbin pa ang kaso sa korte.
Taliwas naman ito sa naging pahayag noon ng BIR at ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na nagpadala na sila ng sulat sa Marcos family noon pang December 2021 upang hilingin ang pagbabayad nila sa obligasyon.