-- Advertisements --

May posibilidad na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) sa araw ng Huwebes, Oktubre 16 o sa Biyernes, Oktubre 17, ayon sa state weather bureau.

Sa monitoring ng bureau ngayong Lunes kaninang alas-8:00 ng umaga, namataan ang namumuong sama ng panahon sa distansiyang 2,295 kilometers sa silangan ng Southern Mindanao.

Ayon sa state weather bureau, may katamtamang tiyansa na mabuo bilang tropical depression ang naturang LPA sa sunod na 24 na oras.

Wala namang nakikitang gaanong epekto ang naturang weather system sa ating bansa sa loob ng apat na araw.

Samantala, magdadala naman ng mga pag-ulan ang easterlies o hanging nagmumula sa Pacific Ocean, sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas.

Habang inaasahang magiging maaliwalas na panahon na may posibilidad ng rainshowers at thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabi pang lugar sa bansa ngayong Lunes.