Reading Time: 1 minute

Wala na umanong buhay nang matagpuan ng mga otoridad ang billionaire at registered sex offender na si Jeffrey Epstein na sinasabing nagpakamatay sa loob mismo ng kanyang selda.

Batay sa ulat, natuklasan na lamang ang kanyang katawan dakong alas-7:30 ng umaga (local time) nitong Sabado sa Manhattan Correctional Center sa New York.

Dinala naman daw ang katawan ni Epstein sa New York Downtown Hospital.

Una nang nabalita na inilagay sa suicide watch ang 66-year-old financier matapos na makita na lamang itong sugatan ng mga kinauukulan sa loob ng preso.

Dinala umano sa pinakamalapit na ospital si Epstein bago ibalik sa Metropolitan Correctional Center sa New York.

Nagpasok ng not guilty plea si Epstein sa kinakaharap nitong reklamo na sex trafficking and conspiracy at nanatili sa kulungan nang walang piyansa.

Noong Hulyo 6 nang dakpin si Epstein dahil sa umano’y pang-aabusong sekswal sa ilang mga kabataang babae na nangyari umano sa kanyang Upper East Side townhouse at sa waterfront mansion nito sa Palm Beach, Florida, sa pagitan ng 2002 at 2005.

Batay sa court documents, nasa 40 medor de edad na mga babae ang dinala sa mansyon ni Epstein para makatalik nito. (CNN/ BBC/ AP)