Inendorso ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangalan para sa 131 maritime feature sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa DFA, pinirmahan ni outgoing Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo amg National Maritime Council (NMC) Resolution No. 002 na nagrerekomenda para sa magiging pangalan ng 131 maritime feature sa pinag-aagawang karagatan.
Ang inirekomendang ‘standard set of Philippine names’ ay para sa mga bahura, sandbar, at iba pang maritime feature sa Kalayaan Island Group (KIG) na bahagi ng Spratlys archipelago.
Una nang sinimulang pinangalanan ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan, Palawan ang anim na feature noong 2020 sa hangaring panindigan ang soberanya ng Pilipinas sa mga lugar na tuluy-tuloy na kinakamkam ng China.
Kinabibilangan ito ng Pag-asa Cay 1, 2, 3, at 4, at Pag-asa Reef 1 at 2. Ang pangalang Pag-asa ay hinango mula sa nagsisilbing seat of government ng Kalayaan.
Ang NMC, na siyang gumawa sa naturang inisyatiba, ay unang nabuo noong 2024 sa pamamagitan ng Executive Order No. 57 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagsisilbing chairman dito si Executive Secretary Lucas Bersamin, habang miyembro naman ang kalihim ng Department of National Defense, Department of Agriculture, Department of Energy, Department of Environment and National Resources, DFA, at National Security Adviser.
Ang naturang konseho ay ang bagong mukha ng nireorganisang National Coast Watch Council.