-- Advertisements --
6thID1

Boluntaryong sumuko sa militar at pulisya ang 11 miyembro ng Bangsamoro-Islamic Freedom Fighters (BIFF) kabilang ang lider na nanguna sa pag-atake sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao noong December 2020.

Ito’y kasunod ng joint collaboration ng Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group, 6th Infantry Battalion (IB), Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines, Military Intelligence Group-12, Regional Intelligence Unit-15, at RID-Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region.

Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, ang nasabing grupo ay mga BIFF breakaway group sa ilalim ng Karialan Faction.

6thID3

Kinilala ni Sinas ang mga sumukong rebelde sa pangunguna ni BIFF Commander Datu Nino Ebrahim, Mohidin Kusain Mantang aka Bapa, Mehad Guiamandal aka Miguel, Jiad Ebrahim, Jiamil Ebrahim aka Miggy, Gapor Damada aka Gaploy, Indal Damada aka Quindal, Hamui Amil aka Olong, Kalim Zucamen aka Qlems, Warl Damada aka War; at Ausain Sansawna aka Imba.

Si Datu Ebrahim ay isa sa 134 respondents kaugnay sa Datu Piang attack.

Ayon kay Sinas, kasong paglabag sa Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020), multiple frustrated murder at destructive arson, ang isasampa ng PNP laban sa mga sumukong BIFF fighters.

Sa panig naman ni Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, sumuko ang 11 BIFF fighters sa mga tropa ng 6th IB sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao bandang alas-8:00 ng umaga kahapon, February 6.

“The 11 BIFF members are the first batch of BIFF members who surrendered to the 6th IB this year and we are optimistic that more will come as wontinue our peace campaign,” pahayag ni Vinluan.

Isinuko ng mga rebelde ang kanilang mga armas gaya ng tig-isang M653 A1, M16 A3, BAR, improvised cal. 50 sniper, cal. 30 garand, homemade grenade launcher, 40mm M79, A1s, at dalawang M16 at M14.

6thid

Ayon naman kay 6th Infantry Division Commander M/Gen. Juvymax Uy, kanilang napatunayan na epektibo ang paggamit nila ng balanseng military and non-military efforts kaya napasuko ng mga government forces ang mga wanted na bandido.

Ipinagmalaki ni Uy na simula noong maupo siya bilang 6th Infantry Division commander noong Sept. 7, 2020, kabuuang 71 BIFF fighters na ang sumuko sa militar.

Sa ngayon, patuloy ang custodial debriefing laban sa mga sumukong BIFF members.