Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Army na kasalukuyang nasa restrictive custody na ngayon si BGen. Jess Durante matapos tinukoy na umano’y mastermind sa pagkakapaslang sa model at negosyanteng si Yvonne Plaza Chua.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad kaniyang sinabi na nasa Philippine Army Custodial Center na ngayon si BGen. Durante at ang deputy commander nito na si Col. Michael Licyayo at pawang nasa restrictive custody.
Si Durante at Licyayo ay kapwa nahaharap sa kasong murder at obstruction of justice.
Inihayag din ni Trinidad na nakatakda ng ilabas ng binuong Board of Inquiry (BOI) ng Philippine Army ang resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa kaso ni Durante at Licyayo.
Ang pagsailalim sa kustodiya ng dalawang opisyal ay bahagi ng preparasyon at paghahanda sa General Court Martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa nasabing mga opisyal habang gumugulong din ang kasong kriminal laban sa mga ito sa korte.
Ang mga sangkot namang enlisted personnel ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) na sina Staff Sgt. Gilbert Plaza; Sgt. Delfin Sialsa Jr; Cpl Adrian Cachero, Pfc Rolly Cabal, Pfc Romart Longakit; Noel Japitan, isang tinukoy na Junior at isang kinilala lamang na isang Master Sgt.
Sinabi ni Trinidad, si Philippine Army Commanding General Lt.Gen. Romeo Brawner ang magtalaga kung sinu-sinong mga opisyal ang bubuo sa General Court Martial na lilitis kay Durante at sa isa pang opisyal.
Sa ngayon wala pang inilalabas na warrant of arrest laban kay Durante.
Siniguro naman ng Philippine Army na kanilang irerespeto ang proseso ng batas at pahihintulutan sina Durante, Licyayo at iba pang sundalo na sangkot sa krimen na maghain ng kanilang counter affidavit sa kasong kinakaharap ng mga ito.